MGA MAG-AARAL, NANAWAGAN SA PAGPASA NG STRAW BILL;

29 09 2011

Tinatakan ang mga exam booklet bilang protesta sa paglabag sa kanilang mga karapatan

Kaugnay ng patuloy na paglabag ng karapatan ng mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan, muling sinimulan ng isang grupo ng mga sangguniang mag-aaral at mga organisasyon ang kampanya upang tiyakin ang pagpasa ng Students’ Rights and Welfare Bill o House Bill No. 2190 na inihain nina Akbayan Rep. Kaka Bag-ao at Rep. Walden Bello.

Sa isang forum at press conference kanina sa Balay Kalinaw sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, idiniin ng Coalition for Students’ Rights and Welfare na marami pa ring paglabag sa karapatang pangmag-aaral ang nananatiling hindi natutugunan. Dumalo kanina ang mga mag-aaral mula sa UP Diliman, Ateneo de Manila, De La Salle University, at Pamantasang Lungsod ng Muntinlupa.

Ayon kay Akbayan Youth National Chairperson Leloy Claudio, “Hindi binibitawan ng mga mag-aaral ang kanilang mga batayang karapatan sa pagpasok nila sa loob ng paaralan. Nilalayon ng STRAW Bill na tuluyang matiyak na ang mga mag-aaral ay maipagtatanggol sa paaralan sa pamamagitan ng mga kongkretong mekanismo.” Dagdag ni Claudio, “Ang nais lamang namin ay magkaroon ng malinaw na batas na hindi lamang naglalahad kundi nagpapalakas sa mga karapatan ng mga mag-aaral.”

 

Binanggit ni Mickey Eva, Pangalawang Pangulo ng UP Diliman Sangguniang Mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, na “kahit nakalatag na ang ating mga karapatan sa Saligang Batas at sa iba’t ibang mga internasyonal na batas, tuloy pa rin ang diskriminasyon sa pagtanggap ng mga paaralan, pagpataw ng matataas na bayarin, pagtapak sa kalayaang magpahayag at mag-organisa, at marami pang iba.”

 

“Isa pang malalang isyu na malamang na mararanasan natin sa mga susunod na araw ay ang ‘di-makatarungang polisiyang “No Permit, No Exam” sa ibang paaralan kahit mayroon nang memorandum ang CHED laban dito,” ani Cleo Leogarda, Pangulo ng De La Salle Student Government (DLSU SG) National Affairs Committee at kasapi ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) Secretariat, na pinagbabatayan ang paparating na panahon ng mga pagsusulit sa mga paaralan.

Dagdag ni Leogarda na “isa itong paglabag sa aming karapatan para sa edukasyong kaledad at abot-kaya dahil idinidiskrimina nito ang isang mag-aaral base sa kanyang katayuan sa lipunan.”

Ani Moses Albiento, Junior Central Board Representative ng Ateneo de Manila Sanggunian at Secretary General ng Koalisyon, “Nanganganib din ang mga mag-aaral sa mga haharapin pang banta sa aming mga karapatan dahil sa iresponsableng paghain ng mga mapaniil at katawa-tawang panukala gaya ng Anti-Planking Act.”

“Hindi lang nito nilalabag ang aming mga karapatang maghayag at magdaos ng mapayapang kilos protesta,” ani Albiento, “Isinasaad din nito na dapat magkaroon daw ng isang pangmalawakang ‘code of student conduct’ na maaaring humantong sa mas malalang pagtapak sa aming mga kalayaan at karapatang pantao.”

Samantala, tumugon si Commissioner Gio Tingson ng National Youth Commission sa mga nabanggit ng mga mag-aaral. “Palalakasin natin ang ating panata sa pagpapaigting ng panawagan ng ating mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpapasa ng mga batas gaya ng House Bill No. 2190, na magtitiyak ng pagtatanggol ng karapatan at kapakanan ng mga mag-aaral.” Idiniin ni Tingson na “hindi natin tuluyang makakamit ang tunay na kaunlaran sa bansa kung ang mga susunod na mamumuno nito ay kasalukuyang naisasagilid at nawawalan ng kapangyarihan dahil sa pagtapak sa mga karapatan nila.”

Plano ng mga mag-aaral na maglunsad ng pagtatatak ng mga exam booklet at ibibigay ito sa kanilang mga kapwa mag-aaral na may nakalagay na mga salitang “Passed this paper under protest! Pass the STRAW Bill Now!” upang palawakin ang suporta ng kanilang mga kasamahan sa pagkampanya laban sa paglabag ng karapatang pangmag-aaral tulad ng “No Permit, No Exam” policy at iba pang anyo ng pagtapak sa kanilang karapatan at para na rin sa paghingi ng agarang pagpapasa ng House Bill No. 2190. ●